Ang Artikulo XIV Seksyon 6 ng 1987 Konstitusyon
Ang pagtamo ng kredit sa asignaturang Filipino 1 ay may kinalaman sa saligang batas. Kailanman hindi ito mawawala bilang asignatura dahil nakataya rito ang pagpapalaganap ng ating kultura. Ang pagpapayabong at pagpapayaman ng wikang Filipino ay nakababatay sa bawat wikang panrehiyon. Sa pag-aaral ng wikang pambansa ay makilala rin ang iba’t ibang wikang kinagisnan. Sabay sa pag-aaral na ito ay aangat ang kamalayan ng bawat Pilipino sa pagpapahalaga ng bawat wika na siyang tunay at makapaglalarawan sa damdamin at kaisipan ng mga Pilipino tungo sa anumang pakikipagtalastasan o komunikasyon.
Malinaw na inihahayag sa Artikulo XIV Seksyon 6, ng 1987 Konstitusyon na:
“Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang,
ito ay payabungin at pagyamanin sa salig sa umiiral na wika sa Pilipinas
at sa iba pang mga wika”.
Kaya karapatan at responsabilidad ng bawat Pilipino—ng bawat estudyante ang mag-angkin ng kaalaman tungkol sa wikang Filipino upang magkakaroon siyang kaalaman sa akademikong Filipino at uusbong ang diwang pagkamakabayan at maging intelektwal sa sariling wika.
Ang Resolusyon 96-1 ng KWF, 1996.
Unang dapat mabatid ng mga estudyanteng kumukuha ng asignaturang Filipino 1 ang matukoy kung ano ang kahulugan ng Filipino. Ang pinakamadaling kahulugan nito ay Ang Filipino ay ang pambansang wika sa Pilipinas na nabubuo hango sa iba’t ibang wika at wikain sa Pilipinas. At para maging tiyak, ang Komisyon sa Wikang Filipino noong Agosto 1996, ay nagbibigay ng kahulugan ng Filipino bilang wika at ito ay nagsasasaad na:
Ang Filipino ay ang katutubong wika na ginagamit
sa buong bansa bilang wika ng komunikasyon ng mga
etnikong grupo.
Akademikong Filipino
Filipino ang pasalita at pasulat na katutubong wika sa Metro Manila na pambansang punong rehiyon at sa iba pang sentrong urban sa archipelago, na ginagamit bilang wika ng komunikasyon ng mga etnikong grupo. Katulad ng alinmang wikang buhay, ang Filpino ay dumaraan sa proseso ng paglinang sa pamamagitan ng panghihiram ng mga wika sa Pilipinas at mga di-katutubong wika, sa ebolusyon ng iba’t ibang varayti ng wika para sa iba’t-ibang sitwasyong sosyal, sa mga nagsasalita nito na may iba’t ibang saligang sosyal, at para sa mga paksa ng talakayan at matalisik na pagpapahayag (Resolusyon Blg.1-92 ng Komisyon sa Wikang Filipino sa Mayo 13, 1992).
Higit sa lahat, ang akademikong Filipino ay nangangahulugang kaalaman para sa bawat Pilipino tungkol sa mga umiiral na pagbabago ng Wikang Pambansang Filipino at paano ito ginagamit sa intelektwalisasyon. Ito ay ang pag-aaral ng wikang Filipino at paggamit nito sa mabisang paraan sa iba’t ibang tipo ng komunikasyon ayon sa pangangailangan sa paaralan. Akademikong Filipino ang wikang Filipino na ginagamit sa iskolarling pagpapahayag. May mataas na antas na paggamit ng wika na naayon sa mga pamantayang pinag-aralan. Ito ay ang paggamit sa mga natutunan sa pag-aaral sang-ayon sa Education Commission(EDCOM) 1990 na ang kurikulum ng Filipino sa lahat ng antas ng edukasyon ay naglalayong luminang sa kakayahang komunikatibo sa lahat ng mga mag-aaral at estudyante tungo sa pagiging mabisang mananalastas ayon sa kahinigian ng bawat programa—multi-disiplinary, integrity, multi-media at may tuon sa bawat mag-aaral at estudyante(Catacataca & Espiritu 2005).
Ang Filipino sa MTB/MLE sa K to 12 Kurikulum Ang unang wika (L1) ay tulay sa pagkakatuto ng iba’t ibang wika tulad ng pambasang wika at iba pang wika na may malaking kahalagahan sa edukasyon ng kabataang Pilipino. Ito ang tinatampok ni Canega(2012) at nagpapaliwanag na ang anumang interaktibong gawain sa silid aralan ay palaging binibigyang halaga ang unang wika ng bawat estudyante. Sa bawat pagkakataon ang estudyante ay bigyang kalayaan upang maipahayag niya ang kasagutan at natutunan sa tulonng ng kanyang unang wika (L1). Ang MTB/MLE ay nangangahulugang iba’t ibang wika ang magagamit sa pagtuturo at talakayan na nakabatay sa lugar na kinabibilangan—sa ganitong sistema, lalong mapausbong ang Pambansang Wikang Filipino dahil sa paggamit ng L1. Mga Dapat Mabatid Hinggil sa Wika
Isang malaking biyaya ang wika para sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pagsasalita. Dahil sa pagsasalita nagkakaroon ng anyo ang wika. Ang bawat makabuluhang tunog at ang bawat simbolong makahulugan ay nagsisilbing anyo nito. Sa kapangyarihan ng pagsasalita, naipakilala ang kakanyahan ng wika at ang kabuluhan nito sa buhay ng tao. Isang malaking bagay na dapat mabatid ng sinuman, upang lalong mahalin at pahalagahan ang sariling angkin na wika bilang biyaya mula sa Poong Maykapal. Ang wika at pagsasalita ay magkatamabal na katawagan dahil unang nagkaanyo ang wika dahil sa pagsasalita, at ayon kay Sauco et al (2003:19) ang wika at pagsasalita at bahagi at gawain ng tao sa pang-araw-araw na buhay…
Dahil malaking bahagi ng buhay ang wika, natuklasan ng tao ang kanyang kapaligiran na siyang bahagi sa paghubog sa kanyang katauhan. Sa kakayahang pangwika pinag-ugnay-ugnay ang mga taong may iba’t ibang kultura sa iba’t ibang panig ang daigdig. Lumaganap ang kulturang popular, tinatangkilik ang mga makabagong teknolohiya at pamamaraan, umunlad ang pamumuhay, tumaas ang antas ng edukasyon, lumawak ang kaalaman sa iba’t ibang disiplina, lalong umaangat ang mga pamantayan sa serbisyo at produkto, lalong napasalimuot ang batas at politika, natuklasang mahalaga ang paglinang sa sariling kultura upang maging estabilisado ang ekonomiya ng bansa; at, hanggang namamalayan ang konseptong pagsagip sa kalikasan at iba pa. Patunay ito na isang makabuluhang kasangkapan ang wika upang makatarungang mapamahalaan ang lipunan, mapalakas ang pundasyon ng bansa, at magkakaroon ng positibong gawi tungo sa kaunlaran ng sanlibutan. At, ginagamit ang wika sa pagkamit ng mga hangarin at layunin, at pagbabalanse ng mga bagay-bagay mula sa sarili hanggang sa buong pangkat, kaya sa kabanatang ito, nais ipapabatid sa mga estudyante ang mga mahalagang kaalaman tungkol sa wika nang sa ganun ito ay maging isang hakbang upang magawa nila ang mga hangarin at layunin sa buhay bilang isang butihing mamamayan sa bansa. Ang mga kaalamang ito ay isang susi upang ang isang estudyante ay maging maalam sa mga bagay-bagay sa daigdig na nasasalig sa wikang biyaya bilang kasangkapan sa pakikisalamuha sa kapwa. Inaasahang malinang ang estudyante sa mga kabatiran upang mangyari ang akademikong komunikasyon sa kasong Filipino.
Ang katawagang wika ay mula sa katawagang lengguwahe na mula rin sa salitang-ugat na lingua na ang ibig sabihin ay dila. Ang wika at dila ay magka-ugnay na nangangahulugang ang wika ay nalilikha dahil sa kakayahan ng tao na makapagsaltik-saltik ng kanyang dila. Bilang isang wikang may malaking bahagi ng buhay ng mga Pilipino, ang Wikang Filipino karapat-dapat na naisabatas. Itinalaga ang araling tungkol sa wika saklaw na saklaw sa Filipino 1– Komunikasyon sa Akademikong Filipino. Pakatandaan nating ang wika ay sumasalamin sa kalinangan ng isang bansa at nagpapakilala sa antas ng karunungan ng tao sa kung paano niya magagampanan ang mga kasanayang pangwika. Ayon kay Henry Gleason (sa Santiago, 19 ?-) ang wika ay masistemang balangkas ng tunog isinaayos sa paraang arbitraryo, ginagamamit sa komunikasyon sa mga taong may iisang kultura. Ang tao at wika ay magkasama dahil sa wika magawang maipapahayag ng tao ang kanyang sarili . Kung ano ang wika mailalarawan ito kung ano nga ba lamang ang naabot ng mga tao sa panahon ngayon. Sa The Philippine Star (April 29,2014), nakatala na dala bisyon ng bansang Tsino na ‘”connectivity” binuksan din ang Silk Road na tanda ng kanilang kasaysayan. Ang kalakarang ito ay maglunsad ang kahalagahan sa pagkatuto ng mga wikang dayuhan, kaya ang Tsina ay patuloy din sa pagtataguyod sa mga estudyanteng papaaralin sa ibang bansa.
Mga Teorya ng Wika
Tinatayang humigit-kumulang isang milyon daang taon(100,000,000) nang bahagi ang wika sa sanlibutan at katuwang sa kabihasnan at kalinangan. Hango sa Microsoft Encarta Premium 2009, batay sa mga wikang ginagamit na may pagkakahawig at nagkakaunawaan , may anim na libong pangkat ng wika ang sinasalita ng tao ngayon sa buong daigdig. Naniniwala ang mga dalubhasa na 90% ng mga umiiral na wika sa taong 1990 ang mawawala sa pagsapit sa katapusang bahagi ng 21 siglo. Ang sampung(10) nangungunang wikang sinasalita sa buong daigdig ay ang mga sumusunod batay sa unang wika o native speakers: (1) Chinese, 1.2 billion; (2) Arabic, 422 million; (3) Hindi, 366 million; (4) English, 341 million; (5) Spanish, 322 to 358 million; (6) Bengali, 207 million; (7) Portuguese, 176 million; (8) Russian, 167 million; (9) Japanese, 125 million; at (10) German, 100 million. Kung batay naman sa pangalawang wika ang pagbabasehan, ang nangungunang pangalawang wikang sinasalita sa buong daigdig ay ang English na umabot ng 508 million ang gumagamit. Pinabulaanan ng maraming dalubhasa na ang sining at ang wika ay nagkabalikat dahil kapwa itong nangangailangan ng kakayahan sa pag-unawa ng mga abstrak na mga kaisipan at mga simbolikong konsepto sa pagpapahiwatig ng mga mensahe tungo sa kapwa na may kaugnayan sa sistemang pangkultura. Ayon sa teoryang ito, ang wika ay hindi nakilala hanggang sumulpot ang kakayahan sa sining sa mga lumipas na 40,000 taon. Sa kasong ito, ang mga sinaunang tao na tinataguriang homo sapiens ay mayroon ding sariling ipinakitang kakayahan sa sining—ang tinatawag na primitive art ( Ullmann, 2007: 62).
Sa pag-aaral ng wika, naging basehan ang pinagmulan nito at ang pagkapare-pareho nito. Sa aklat ni Santiago (1974) ang wika ay tinutukoy ni Henry Gleason na isang lingguwista, na isang masistemang balangkas ng tunog, isinaayos sa paraang artbitraryo at ginagamit sa komunikasyon sa mga taong may iisang kultura, at sa kanyang pag-aaral may labin-tatlong (13), pangunahing pamilya ng wika mayroon ang buong daigdig. Ang pinamalaking pamilya ay ang Indo-European na siyang kinabibilangan ng English. Nasa ikalawang malaking angkan naman napapabilang ang Tagalog at iba pang mga wikain sa Pilipinas (di kabilang ang wikang Muslim) na tinatawag na Malayo-Polynesian o Austronesian. Ang Austronesian ay nahahati sa dalawang pamilya, ang Formosan na sinasalita sa Taiwan, at ang Malayo-Polynesian na may iba’t ibang na wika na pamilya ng wika sa Micronesia. Ang wika ng Melanesian na malapit ding magkahawig sa Polynesian ng Tahitian, Hawaiian, at Maori.
Sa kanluraning Malayo-Polynesian pagsasalita naman ay ang Malay, Javanese, at Balinesse--na kapwa ginagamit ng Malaysia at Indonesia. Kapamilya rin ng Malayo-Polynesian ang Malagasy sa Madagascar, Chamic na sinasalita ng Vietnam at Cambodia; Tagalog sa Pilipinas. (Austronesian Languages, Encarta 2009) .
A. Teorya Batay sa Bibliya
Ang wika ay bigay ng Diyos, ito ang kabuuang kaisipan sa kuwento o salaysay hango sa Bibliya na mababasa sa bahaging Genesis 11:1-9. Ito ay may kinalaman sa bantog at makasaysayang Torre ng Babel (Tower of Babel). Ang salitang babel ay mula sa wikang Hebrew` na Bābhel at bālā. Bābhel ay ngangahulugan “Babylon” at ang bālā ay nangangahulugan namang “to confuse”. Ang babel o bāb-ili (sa wikang Assyro-Babylonian ) ay nangangahulugang ”gate of God.” Ang kabuuang kasaysayang ito ay nagsimula sa paglalayag ng angkan ni Noah sa loob ng 40 araw at 40 gabi sakay sa arka. Nang matuyo ang lupa ay lumapag sila sa Mt. Ararat ng Turkey . Mula sa nasabing lugar ay nagsilikas ang angkan sa patungo sa bansang Babilonia. At doon ay yumabong ang kanilang pamumuhay at lumawig ang kanilang mga kaalaman hanggang sa kapanahunan ni Haring Nimbrod. Si Haring Nimrod na tinaguriang “the first potentate on earth” and “mighty hunter in the eyes of Yahweh (Gen. 10:8-9), na nagtayo ng toreng aabot hanggang langit upang maabot at mapantayan ang Panginoon, ngunit hindi ito naging kasiya-siya sa Panginoon kaya pinabagsak ng Panginoon ang tore sa pamamagitan ng pag-iba-iba ng mga wikang sinasalita ng bawat isa kaya nangyari ang kalituhan at hindi pagkakaintindihan. Sa pangyayaring iyon, nagkawatak-watak sila at naglalakbay sa iba`t ibang bahagi ng Asya at nagpasimula sa pagpalaganap ng wika sa iba`t ibang panig ng daigdig. Ang kuwentong ito ay nagpapahiwatig sa pag-iba-iba ang wika sa buong daigdig bilang kaparusahan.
B. Teorya ng mga Antropologo. Sa larangan ng antropologo ay pinag-aralan kung paano mamuhay, mag-isip, makibaka, makipag-halubilo ang tao sa kapwa at sa kapaligiran. Sa madaling sabi, naging mahalagang bagay ang pag-aaral tungkol sa kalinangan ng sibilisasyon, at mahalagang bagay ang wika sa isang sibilisasyon. Sa mga panulat nina Antonio, et al (2005), Marquez, Jr & Garcia (2010), at Sauco et al(2003) naririto ang mga sumusunod teoryang ng mga antropologo:
1. Teoryang Bow-wow. Sa teoryang ito ay ipinapalagay na nanggagaya ang mga sinaunang tao sa mga tunog na nalilikha mula sa mga hayop. Ang mga tunog kalikasan ay naging dahilan sa pagkakaimbento ng wika ang mga sinaunang tao. Ang mga tunog kalikasan na ito ay ang mga tunog ng iba’t hayop tulad na lamang sa huni ng ibon, kahol ng aso, ngiyaw ng pusa at iba pa.
Ang mga tunog na naririnig ng mga sinaunang tao ay isang mahalagang pahiwatig upang unawain ang kanilang kalagayan at mga dapat gawin. Maaring kapag may panganib ay maaring sumigaw ang mga sinaunang tao gaya ng atungal ng leon. Maaring dahil sa nasaktan ay sumingaw ang tao kagaya ng sa pusang nasasaktan, at kung ginalit ang isang tao ay aasta itong parang aso. Kaya kung tutuusin ang mga sinaunang tao ay may wikang kagaya ng mga hayop. Sa Pilipinas, may mga wikang katutubo rin na sa pandining natin ay parang tunong ng ibon.
2. Teoryang Dingdong. Lahat ng bagay sa kapaligiran ay nakalilikha ng sariling tunog kapag hinahangin katulad ng langitngit ng kawayan, ang hagibis ng sanga ng mga kahoy kapag hinahangin nnang malakas, ang lagapak ng punong kahoy sa pagbagsak, pagkabiyak ang anumang bagay o bato kapag tinamaan ng kidlat at iba pa. Ang tunog na nagmumula sa mga iyon ang siyang ginagaya ng mga sinaunang tao na sa kalaunan ay nagbabago hanggang sa malapatan nang iba`t ibang kahulugan.Maituturing nito ang langitngit ng kawayan na nngiiiiiik-nnngiiik, at mga kaluskos ng sanga na sssuuuuuu.. at dahon ng punongkahoy kapag hinihipan ng hangin na ppppssssssss.., at mga bagay-bagay ng nabubuwal at tinangay ng hangin na bboooggss…
3. Teoryang Pooh-pooh. Sa hindi sinasadyang pagkakataon mamumutawi sa bibig ng tao ang anumang mayroon sa kanyang damdamin kapag nasasaktan, natuwa, nagugulat, nalulungkot, natatakot, nabibigla o anumang sanhi mula sa masidhing damdamin. Ang mga sambit na yohooo!..., ayaya-ayayayayay!..aguy!. hahhaha!...hehehhhe!..at huhuhuhu ay mga halimbawa nito.
4. Teoryang Yo-he-ho. Ipinapalagay na ang sinaunang wika ay may kinalaman sa indayog ng mga tao nagsasama-sama o sabay-sabay sumisigaw, nagtatawanan, nagtatrabaho at paggamit ng lakas. O kakayahang pangangatawan; halimbawa nito ang pagbubuhat ng isang mabigat na bagay o kaya kapag sumusuntok. Ang mga tunog sa teoryang ito ay nagmumula sa puwersang pisikal ng tao ay dahilan sa paglitaw ng wika. Hindi maiwasan na kapag ginagamit ang lakas o puwersa tungo sa paggawa ng anumang bagay, pagtakbo, pagtulong-tulungan sa anumang gawain, nakipaghabulan, lumundag, tumalon, umakyat sa mga matataas na puno, naghuhukay at iba pa. Sa anumang puwersang ginagamit ay katumbas ang maimbentong tunog na naging anyo ng wika. Kaya ang ooooops…, arrrgggh…...aaaaaahhhh ay mga pahiwatig na ginagamit ang puwersa o lakas ng katawan.
5. Teoryang Yum–Yum. Isinasaad sa teoryang ito na ang wika ay mula sa pagkumpas ng maestro ng musika at sa bawat kumpas ay hindi ring maiwasang masambit ang mga tunog at tuluyang naging ganap na wika. Ito ay nagpapahiwatig na ang daigdig ay naiimpluwensyahan ng ritmo at ang ritmo ay naging umpisa sa mga konsepto. Gaya na lamang sa konsepto na ang daigdig ay umiikot sa araw kaya sa siyensya may mga konseptong minuto, oras, araw, at taon. Likas ng tao ang pagkumpas bilang reaksyon sa mga pangyayaring kinasasangkutan, at mula sa pagkumpas sa kalauna’y nakapagbulalas ng tunog. Mula sa mga nakasanayan ng tunog na maibulalas, naimbento ang mga katawagang sumasagisag sa kaisipan, mga bagay at iba pa. Kaya maaaring ang bawat kumpas ay naging basehan sa anumang konsepto ay naging anyo ng wika.
6. Teoryang Ta-ta. Ang teoryang ito ay nagpapahiwatig na ang tiyak na kumpas o galaw ng kamay na ginagawa upang magpaalam at napagumpisahan ang pagbigkas ng tunog na ta-ta. Sa wikang French, ang salitang Ta-ta ay nangangahulugang paalam o goodbye. Ang salitang ta-ta ay binibigkas ng dila na pataas-pababa katulad sa pagkampay ng kamay.
7. Teoryang Ta-ra-ra-boom-de-ay. Ang mga sinaunang ritwal na may kinalaman sa pagsayaw, pagsigaw at pagkilos, pagbulong at iba pa tungo sa mga kalahok ay nakakalikha ng tunog at sa kalaunan ay nagiging ganap na wika.
Sa mga kaisipang inilalahad ng mga antropologo hinggil sa pinagmulan ng wika, malinaw itong nagsasaad na ang wika ay produkto ng interaksyon ng tao sa kanyang kapaligiran. Ito’y nangangahulugan kung paano nakikibagay ang tao sa kalikasan at sa anumang mga bagay-bagay sa paligid bilang bahagi sa kanyang buhay hanggang tuluyang nakaimbento ng mga palatandaang tunog na nagpabago-bago at umunlad at sa kalaunan ay naging umpisa sa pagkakaroon ng wika. Sa artikulo naman ni Muller(1996) ang wika ay ang perpektong gasa mula sa Panginoon na natural lamang sa sangkatauhan. Ang kaisipang ito ay nakabatay sa paulit-uli na pagsubok kung paano nakapagsalita ang bata na naisasagawa noong ng isang Haring taga-Ehipto, Emperor na Swaban na si Frederic II, ni James IV sa Scotland, at ng isang Mogul na Emperor sa India.
Ang Pinagmulan ng Wika at Wikain sa Pilipinas
Ang kasalukuyang kabihasnan ngayon ay mismong sasagot sa mga katanungang paano umusbong ang wika sa buong daigdig. Ang migrasyon at pananakop ay isang daan upang ang isang wika ay matutunan at maghihiraman sa iba’t ibang pangkat. Ang anumang bagay na kaugnay sa pamumuhay ay higit ring nagtutulak upang mapayabong ang anumang wika at ito’y matutunan ng ninumang tumatangkilik sa mga bagay-bagay na mahalaga sa pamumuhay. Ang pag-iral sa katalinuhan ng tao, ang nagaganap na pagtuklas ng kaalaman at pag-iimbento ng iba’t ibang bagay ay isang uring pangyayari na siyang dahilan sa ebolusyong ng isang wika.
Sa Pilipinas, kung balikan natin ang kasaysayan, maintindihan rin natin ang pinagmulan ng wikang umiiral sa ating kapuluan. Sa anong uring mga pulo mayroon ang dumudugtong sa Pilipinas sa bandang Tawi-tawi at sa Sabah Malaysia ay maaninaw natin kung ano ang hatid nito sa wikang ginagamit ng mga Pilipinong mula sa lipi ng mga Malayo. Maintindihan natin na ang mga wikang katutubo ay dala sa mga unang naninirahan sa ating kapuluan, at ang mga sinaunang tao na iyon ay may pinanggagalingan kasabay na ang wikang ginagamit na hanggang ngayon ay makilala pa. Ang iba’t ibang wika at wikain sa Pilipinas ay nagmula sa tinatawag na Malayo-Polynesian o Austronesian na siyang pangalawang pangkat ng wika sa buong daigdig. Ang Tagalog, Cebuano, Waray, Ilonggo, Ilocano at iba pa ay isang tatak sa iba’t ibang pinaggagalingan ng mga Pilipino. At dito natin makilala ang iba’t ibang uring likas na salita bukod sa hiram at likhang salita. Tinataya na ang mga salitang Filipino ay nakaugat sa Sanskrit na ginagamit ng mga Arabian at Indian na nadala ng mga Malayo sa ating kapuluan. Kaya ang mga salitang likas sa Pilipinas ay kahawig sa mga salitang Malayo. Halimbawa nito ang salitang Bathala na mula sa Bathara na Sankrit, at ang “ako” ay mula sa Malayo na “Akuh” na may iba’t ibang bersiyon sa ng mga Pilipino. Sa pag-aaral ng mga antropologo, dito sa Pilipinas, ang mga salitang likas na nagtatapos ng tunog “t” ay mula sa Sanskrit, at ang nagtatapos ng patinig ay kadalasan ay hango sa Malayo.
Comments